
Para sa House Prosecution Panel, pang-social media at pang-K-drama lang ang mga testigong inihaharap sa impeachment trial ng defense team ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, ang testimonya ng mga testigo ng depensa ay may layunin lang na makuha ang simpatya ng publiko pero hindi naman nito mabaligtad o makontra ang mga ebidensya sa alegasyon na may hindi maipaliwanag na yaman si VP Sara.
Pangunahing inihalimbawa ni Chua ang testigong si Anel Martin Antero na nagpipilit palabasin na mapagbigay ang mister ni VP Sara na si Atty. Manases “Mans” Carpio, kaya nito binigyan ng mamahaling mga sapatos ang mga atleta at nanlilibre din ng mamahaling mga pagkain.
Nakakadismaya para kay Chua na wala kahit isa sa mga testigong naiharap sa impeachment trial ng depensa ang nakasagot kung nasaan ang P817 million na hindi maipaliwanag na yaman ni VP Duterte.










