Ipinag-utos ng Muntinlupa Regional Trial Court o RTC Branch 206 na i-archive ang kasong murder laban kina dating Bureau of Corrections o BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag, at dating Bucor Deputy Security Office Ricardo Zulueta.
Ito ay para sa kasong pagpatay sa person deprived of liberty o PDL na si Jun Villamor, ang preso ng Bilibid na sinasabing middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa 7-pahinang desisyon ni Muntinlupa RTC Branch 206 Presiding Judge Gener Gito dahil sa hindi pa naaaresto sina Bantag at Zulueta ay hayaan na ang kaso ay maipadala sa “archive” pero “subject to revival” kapag naaresto na ang dalawa.
Samantala, naghain ng “guilty plea” para sa mas mababang sentensya ang iba pang mga akusado sa kaso.
Ito ay ang PDLs na sina Mario Alvarez, Christian Ramac alyas “Jokon”, Ricky Salgado alyas “Lupin,” Ronnie dela Cruz alyas “Barok,” at Joel Reyes alyas “Puppet” na naghain ng guilty plea bilang “accomplice of crime of murder,” habang “accessory to the crime of murder” ang PDLs na sina Alvin Labra, Aldrin Galicia, Joseph Georfo.
Sina Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz at Reyes ay sinentensyahan ng 6 na taon hanggang 14 na taon. Pinagbabayad din sila ng danyos habang sina Labra, Galicia at Georfo ay 2 taon naman hanggang 8 taon kulong.
Ipinag-utos din ng National Bureu of Investigation o NBI na ilipat sila Galicia, Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz at Reyes sa New Bilibid Prison o NBP.
Matatandaan na ang kasong ito ay maalalang hinawakan ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors sa pangunguna ni Pros. Gen. Benedicto Malcontento, Senior Assistant State Pros. Charlie Guhit at iba pa.