
Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 9305 o panukalang KALINGA Act na layuning ma-institutionalize ang Komprehensibong Alalay sa Livelihood, Inflation, Negosyo at Goods Assistance Program.
Target ng panukala na mapabilis ang pagtugon ng gobyerno sa pagtaas ng presyo ng langis, inflation at iba pang mga krisis na nakakaapekto sa pagkain, transportasyon, kabuhayan at mga mahalagang serbisyo sa mamamayan.
Ayon kay House Majority Leader Rep. Sandro Marcos na isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, maglalatag ito ng mekanismo para mapabilis ang pagtulong ng pamahalaan sa ordinaryong Pilipino na labis na apekado sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng panukala ay maaring magdeklara ang Pangulo ng state of national emergency batay sa rekomendasyon ng KALINGA National Response Council.
Ito ay kung lalampas sa $80 per barrel sa loob ng 30 araw ang presyo ng Dubai crude oil o kung magkaroon ng kakulangan sa suplay ng langis.
Sa oras na maideklara ang national emergency ay maaring magpatupad ang Presidente ng KALINGA interventions tulad ng release, realignment o augmentation ng pondo para sa emergency relief measures.










