Nasagip ng mga tauhan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ang isang green sea turtle o pawikan na natagpuang naipit sa isang fish trap sa Barangay Mona.
Iniulat ng isang mangingisda sa lugar ang insidente kaya agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad.
Pansamantalang dinala ang pawikan sa tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang masuri at mabigyan ng kinakailangang pangangalaga. Nagbigay rin ng bitamina at anti-streSs medication ang City Veterinary Office bilang bahagi ng agarang treatment.
Matapos matiyak na maayos na ang kondisyon nito, matagumpay na pinakawalan ang pawikan sa karagatan sa labas ng Hundred Islands National Park.
Muli namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na agad i-report sa kinauukulang ahensya ang mga insidente na may kinalaman sa marine wildlife at mga pawikan upang matiyak ang maayos na rescue at pangangalaga sa mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










