Nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Dante, umabot na sa 6 ayon sa NDRRMC

Umakyat na sa anim ang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Dante sa ilang bahagi ng bansa.

Batay ito sa huling situation report na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kung saan dalawa ang iniulat na sugatan at tatlo ang nawawala pa.

Nadagdag sa mga nasawi ang isang 49-anyos na lalaki na tinangay ng baha ang sasakyan sa Hinoba-an, Negros Occidental; at isang 51-anyos na lalaki sa Dumanjug, Cebu na tinangay ng baha habang inililigtas ang kanyang kalabaw.


Una nang inulat kahapon ang pagkasawi ng apat na indibidwal sa Regions 11 at 12 dahil sa baha.

Nabawasan naman ang bilang ng mga nawawala mula sa pito kahapon na ngayon ay tatlo na lang, makaraang matagpuan ang apat na mangingisda sa Pilar, Capiz na pumalaot sa kasagsagan ng bagyo.

Patuloy ang search and rescue operations ngayon para mahanap ang mga nawawala pa.

Facebook Comments