Wednesday, April 15, 2026

Navotas LGU, nakipag-ugnayan sa DPWH kaugnay ng sunog sa sanitary landfill

Nakipag-ugnayan na ang lokal na pamahalaan ng Navotas City sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang magsagawa ng site inspection at matukoy ang mga kinakailangang engineering intervention sa Navotas Sanitary Landfill.

Ito ay kasunod ng ilang araw na sunog sa nasabing landfill, kung saan nahihirapan ang mga otoridad na tuluyang maapula ang apoy.

Nabatid na hindi na operational ang landfill mula pa noong 2025, ngunit may mga natitirang residual waste na madaling magliyab, lalo na sa matinding init ng panahon.

Bukod dito, hindi umano ganap na naipatupad ng dating private operator ang safe closure at rehabilitation plan, na posibleng nakaambag sa insidente.

Mula pa noong weekend, nag-deploy na ang Navotas LGU ng mga bumbero at emergency personnel upang tutukan at makontrol ang sunog sa saradong tambakan.

Bumuo rin ng inter-agency task force para sa mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya at LGUs sa pagtugon sa insidente.

Samantala, sinimulan na ang pagtatambak ng buhangin bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon upang mapigilan ang methane combustion sa landfill.

Facebook Comments