
Naibigay na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamilya Baterbonia ang resulta ng autopsy na isinagawa sa bangkay ng student-athlete ng Ateneo de Manila University (ADMU) na nalunod sa Aurora.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sa ngayon at hawak na ng pamilya ni Baterbonia ang kopya ng autopsy.
Sinabi naman ni Matibag na kahit may resulta na ng imbestigasyon ay hindi na muna nila ito maaring i-disclose sa publiko dahil na rin sa maraming nakasubaybay sa kaso at para maiwasan ang mga spekulasyon at haka-haka sa nangyaring insidente.
Dagdag pa ni Matibag, tatapusin muna nila ang buong imbestigasyon bago maglabas ng kanilang findings at rekomendasyon.
Noong nakalipas na linggo, nagpunta sa tanggapan ng NBI ang resort owner at abogado nito dahil sa pagkalunod ng agtleta.
Pero ayon sa NBI, may mga ipatatawag pa sila para bigyang linaw ang mga nangyari sa Aurora.
Inaasahan namang matatapos ang imbestigasyon sa susunod na linggo.










