Thursday, November 19, 2026

Pagpaslang sa principal ng elementary school sa Maguindanao del Sur, mariing kinondena ng DepEd

Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang pamamaril kay Dr. Dionel Villabito Mahusay, punong-guro ng Pendililang Piang Elementary School sa Magindanao del Sur.

Binaril ang school principal nitong Miyerkules habang nagmamaneho ng kaniyang mini van at patungo na sanang eskwelahan nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Nakikiisa ang kagawaran sa Bangsamoro education community sa pagluluksa at nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya, mga kasamahan, at mga mag-aaral na pinagsilbihan ni Dr. Mahusay.

Binigyang-diin ng DepEd na walang sinumang guro o pinuno ng paaralan ang dapat magbuwis ng buhay habang naglilingkod, at nararapat lamang na mabigyan sila ng proteksyon at pagkakataong makapagturo nang walang takot.

Dagdag pa ng ahensiya, ang mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar para sa pagkatuto at hindi lugar ng karahasan.

Nanawagan din ang DepEd ng agarang hustisya para sa biktima at nagpahayag ng pakikiisa upang mabigyan ng lakas at katatagan ang kaniyang pamilya sa gitna ng trahedya.

Facebook Comments