Patay ang isang nominee ng isang party-list habang sugatan ang isang pulis matapos pagbabarilin sa kahabaan ng Sta. Teresita St. kanto ng P. Guevarra Street, Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang nasawing biktima na si Lenensky Bacud, 2nd nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list at dating chairman ng nasabing barangay.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakatayo si Bacud kasama ang iba pang mga indibidwal nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo lulan ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek.

Bumaba ang back rider ng motor at tsaka walang habas na pinagbabaril si Bacud.

Sinubukan namang rumesponde ng sugatang pulis na nasa lugar ng insidente at nakipagpalitan ng putok sa mga suspek.

Nakatakas ang mga suspek sakay ng motor papuntang Lacson Avenue at hindi na nahabol pa.

Sinubukan pang dalhin sa ospital si Bacud at ang sugatang pulis ngunit nasawi ang 2nd nominee matapos na magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang natamaan naman ng bala sa binti ang pulis na kasalukuyang nagpapagaling.

Patuloy pa rin ang isinasagawang manhunt operations ng pulisya upang matugis ang mga suspek at iniimbestigahan na rin ang posibleng motibo sa nangyaring krimen.

Facebook Comments