Iginiit ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pagmamay-ari ng mga Pilipino ang Sandy Cay at walang magagawa ang China para mabago ang lehitimong soberanya ng Pilipinas sa sakop na teritoryo at Exclusive Economic Zone (EEZ).
Mensahe ito ni Romualdez, kasunod ng ipinapakalat ng China na nasakop na nito ang Sandy Cay na matatagpuan sa apat na nautical miles mula sa Pag-asa Island at nasa hurisdiksyon ng ating bansa.
Para kay Romualdez, desperado, cheap stunts, at misleading show ang pinapalabas na inspection activities ng China Coast Guard (CCG) sa Sandy Cay na layuning manlinlang at palakasin ang illegitimate claims nito na labag sa international law.
Bunsod nito ay nananawagan si Romualdez sa China na tigilan na ang walang habas na pang-uudyok at irespeto ang international law dahil hindi matitinag ang Pilipinas sa pagdepensa ng ating pag-aari sa mapayapang paraan na umaayon sa prinsipyo at batas.