Tuesday, November 17, 2026

Pagdating ni Trump sa Pilipinas at Pax Silica Project, tinututulan sa protesta sa Liwasang Bonifacio

Nagsasagawa ng kilos-protesta ngayong Martes ang iba’t ibang militanteng grupo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila upang tutulan ang pagdating ni US President Donald Trump sa bansa kaugnay ng 49th ASEAN Summit.

Kabilang sa mga nagpoprotesta ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at Kilusang Mayo Uno (KMU), na nananawagang ipatigil ang planong Pax Silica project sa New Clark City, Tarlac.

Ang Pax Silica ay inisyatiba ng Estados Unidos na naglalayong palakasin ang supply chain ng semi-conductors, computer chips at mga teknolohiyang ginagamit sa artificial intelligence (AI).

Pangamba ng mga grupo, maaari itong magpalawak ng impluwensiyang pang-ekonomiya ng Estados Unidos at makaapekto sa mga lokal na komunidad, kabilang ang mga katutubong Aeta.

Ayon sa mga organizer, inaasahang aabot sa 10,000 ang lalahok sa protesta, habang plano rin nilang magmartsa patungong Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, kung saan ginaganap ang ASEAN Summit.

Samantala, mahigpit ang seguridad sa lugar kasunod ng mga naunang komprontasyon sa pagitan ng mga demonstrador at pulisya.

Nakatakdang dumating ngayong araw si Trump at makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bukas, Nobyembre 18.

Facebook Comments