
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Ohayami Trans at Victory Liner Inc. dahil sa umano’y kakulangan sa pasilidad ng kanilang mga bus terminal sa lungsod ng Maynila.
Inatasan ng ahensya ang dalawang kumpanya na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin, kanselahin o bawiin ang kanilang Certificate of Public Convenience dahil sa hindi pagsunod sa mga minimum na pamantayan sa operasyon ng terminal.
Sa Ohayami Trans terminal, natukoy ng ahensya ang kawalan ng toilet bowl sa palikuran, kakulangan ng mga upuan, bentilasyon at waiting area para sa mga pasahero, maging ang kawalan ng area na pagpapahingahan ng mga drayber at konduktor, at mga lugar na may bubong o masisilungan.
Samantala, natukoy naman sa Victory Liner ang kawalan ng sapat na suplay ng tubig sa mga comfort room at kakulangan ng espasyo at mga upuang may sandalan sa passenger waiting area.
Babala ng LTFRB, posibleng patawan ng P5,000 na multa ang mga kumpanyang hindi dadalo sa pagdinig at hindi magsusumite ng paliwanag sa ahensya.
Matatandaang nagkasa na ng inspeksyon kahapon si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa mga nasabing terminal para tiyaking ligtas at komportable ang magiging biyahe ng mga pasaherong luluwas ng Metro Manila ngayong Undas 2026.
Chelsea Arcilla, RMN Manila










