
Pangmatagalang solusyon sa mga pangunahing problema ng bansa ang tututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak ang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Presidential Communications Office o PCO Acting Secretary Lino Cayetano, nais ng Pangulo na ayusin ang sistema sa mga ahensiya ng gobyerno upang mas mahusay na matugunan ang pangangailangan ng publiko.
Kabilang sa mga prayoridad ang kalusugan, pabahay, pagpapalakas ng ekonomiya at pagpapanatiling abot-kaya ng mga pangunahing bilihin.
Sinabi ni Cayetano na mahalaga ring maipaliwanag nang malinaw sa publiko ang mga programa ng pamahalaan upang maunawaan ng mga Pilipino ang mga hakbang ng administrasyon.
Gayunman, higit sa pagpapaliwanag, binigyang-diin ni Cayetano na nais ng Pangulo na makamit ang mga konkretong resulta at pangmatagalang solusyon na magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.










