
Napakaaga at nagsisilbing paglihis lamang sa mahahalagang usapin ang mga talakayan tungkol sa posibleng ipapalit sa kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ang mga isyung nakapalibot sa impeachment trial, kabilang ang pagiging patas at walang kinikilingan ng Senate Impeachment Court, mga usapin sa due process, at ang pag-atras ng prosekusyon sa ilang Articles of Impeachment na aniya’y nagdulot ng pag-aaksaya ng oras at pondo ng gobyerno.
Binanggit din niya ang resulta ng pinakahuling Social Weather Stations o SWS survey, kung saan 28 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwalang makapaglalabas ng makatarungang desisyon ang Senate Impeachment Court, habang nasa negatibong pitong porsiyento ang net trust rating nito.
Iginiit pa ni Panelo na hindi umano malulutas ng pagpapalit sa bise presidente ang mas mabibigat na suliranin ng bansa gaya ng mataas na inflation, lumalalang epekto ng Super El Niño, mabagal na paglago ng ekonomiya, at paghina ng halaga ng piso.
Ayon sa kanya, ipinakikita ng impeachment proceedings na higit umanong inuuna ng administrasyon at mga kaalyado nito ang pulitika kaysa sa mga problemang direktang nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino.
Jerald Ulep, RMN Manila










