
Isinusulong ni Senator Risa Hontiveros ang isang panukalang batas na layong protektahan ang mga babae na kandidato, mga halal at itinalagang opisyal, mga miyembro ng political party, mga campaign volunteers at mga lumalaban sa pang-aabusong nakatuon sa kanilang sektor.
Saklaw ng Senate Bill 2567 na inihain ni Hontiveros ang mga karahasang may kaugnayan sa pang-ekonomiya, institutional, pisikal, psychological, sexual at mga karahasang gawa sa pamamagitan ng teknolohiya gayundin ang doxxing o ang paglalantad sa publiko ng pribadong buhay o impormasyon ng isang tao nang walang pahintulot.
Sakop din ng panukala ang “semiotic violence” o ang paggamit ng mga salita, larawan at simbolo para maliitin ang kredibilidad, kakayahan at partisipasyon sa politika ng isang babae.
Giit ni Hontiveros, ang mga pag-atakeng ito ay hindi lamang direkta sa mga kababaihan kundi ito ay nagmamaliit sa kanilang demokratikong pakikilahok.
Sa ilalim ng panukala, ang mga lalabag ay posibleng maharap sa pagkakakulong at multa mula ₱100,000 hanggang ₱1 million depende sa bigat at uri ng sala at sa taong sangkot dito.










