
Hindi umano sapat na makita ang kredibilidad ng nagpapakilalang bagman ni Vice President Sara Duterte sa simpleng pakikinig sa pagdinig ng House Committee on Justice.
Naniniwala si Assistant Ombudsman Atty. Mico Clavano na malaking tulong para masuri nila ang kredibilidad ni Ramil Madriaga kung magkakaroon sila ng face-to-face na pakikipag-usap sa kaniya.
Sa gitna na rin ito ng kwestyon sa inconsistencies o hindi pagkakatugma ng testimonya ni Madriaga kung pagbabatayan ang nauna niyang affidavit at sa binasa niyang supplemental affidavit.
Sa ngayon, hahayaan muna nila si Madriaga na dumalo sa mga pagdinig ng House of Representatives saka planong ipatawag pagkatapos ng mga pagdinig.
Matatandaang sa affidavit ni Madriaga nitong April 14, 2026, sinabi nitong sa utos marahil nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte, naghahatid siya ng mga bag na naglalaman ng tinatayang nasa ₱35-M sa iba’t-ibang lokasyon kabilang na ang parking lot ng Office of the Ombudsman noong termino ni dating Ombudsman Samuel Martirez.










