Sunday, May 10, 2026

Immigration, wala pang impormasyon sa kinalalagyan ni Atong Ang

Wala pa ring impormasyon ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa posibleng paglabas ng bansa ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Kasunod na rin ito ng mga napaulat na may inilabas nang Interpol Red Notice laban kay Ang na itinuturong utak sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.

Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang naitalang pagbiyahe ni Ang palabas ng Pilipinas.

Sinabi pa ni Sandoval na wala sa kanilang hurisdiksyon ang Red Notice na inisyu dahil isa siyang Pilipino at hindi dayuhan.

Dati nang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may impormasyon silang nakita si Ang sa Vietnam na dumaan sa pamamagitan ng backdoor exit.

Nahaharap sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention si Ang sa mga korte sa Sta. Cruz, San Pablo sa Laguna at Lipa City sa Batangas.

Facebook Comments