Saturday, May 30, 2026

Senate Committee on Public Order, inatasang magimbestiga sa nangyaring tensyon sa Senado

Inatasan na ng Senado ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs para imbestigahan ang nangyaring gulo sa Senado.

Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, ang naturang komite ang magsisiyasat sa nangyari noong May 11 na paglutang ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na nauwi sa habulan ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) hanggang sa mauwi sa shooting incident o barilan sa loob ng Senado noong May 13.

Kung matatandaan, naunang iminosyon ni Senate Minority Leader Tito Sotto III na bumuo ng Committee of the Whole upang lahat na ng komite na may kaugnayan sa nangyaring insidente ang magimbestiga na sa nangyaring tensyon sa mataas na kapulungan.

Giit pa ni Cayetano, nauna silang pumayag sa joint investigation kasama ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Department of the Interior and Local Government (DILG) pero kalaunan ay tila sila pa ang gustong imbestigahan ni Senator Robin Padilla kaugnay sa alegasyon ng pagtulong sa pagtakas ni Dela Rosa.

Hamon ni Cayetano, kung balak imbestigahan ang liderato at ang majority sa Senado sa nangyari, dapat ding masilip si PNP Chief Jose Melencio Nartatez at si DILG Sec. Jonvic Remulla.

Facebook Comments