
Itutuloy pa rin umano ng Department of Education (DepEd) ang pilot implementation ng revised senior high school curriculum para sa Grade 12 students sa School Year 2026-2027 kahit pa nagpahayag na ng pagtutol dito ang mga stakeholders ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara.
Kasunod umano ito ng resulta ng Senior High School Literacy Assessment ng Second Congressional Commission kung saan 87% o 1.3 million sa 1.4 million mga estudyante sa Grade 11 ay may problema sa reading comprehension.
Sa ilalim ng revised curriculum, hindi na ituturo sa mga Grade 12 student ang ilang asignatura, gaya ng Effective Communication o Mabisang Komunikasyon, General Mathematics, General Science, Life and Career Skills, at Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino, dahil naituro na umano ito sa Grade 11.
Samantala, mananatili pa rin naman ang pagkakasa ng 320 hanggang 640 oras ng work immersion para sa mga TechPro learners para masigurong hindi sila mapag iiwan oras na mag-apply na ng trabaho, habang magiging optional naman na ito sa Academic Track learners.
Sa inilabas na Memorandum 036, Series of 2026 ng DepEd, inatasan rin ni Angara ang mga opisyal ng departamento na siguruhing ipatutupad ang nasabing memorandum sa mga tutungtong ng Grade 12 pa lang na mga estudyante na nag-take na ng revised Grade 11 subjects noong School Year 2025-2026.










