Pagbaba ng presyo ng bigas sa ₱20 per kilo, hindi magarantiyahan ng Department of Agriculture

Sa budget hearing ng Kamara, ay hindi nakapagbigay ng garantiya o katiyakan ang Department of Agriculture (DA) na matutupad ang campaign promise ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na maibaba hanggang ₱20 per kilo ang presyo ng bigas.

Dahil dito ay tahasang sinabi ni Basilan Representative Mujiv Hataman na malinaw na hindi kasama sa “roadmap” o plano ng DA ang bente pesos kada kilo ng bigas hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Marcos sa 2028.

Ayon kay DA Undersecretary Leocadio Sebastian, ang pangunahing layunin nila ay tiyakin na ang mga magsasaka ay magbebenepisyo sa anumang mga “development” sa sektor ng agrikultura.


Paliwanag pa ni Sebastian, ang pagbaba sa presyo ng bigas hanggang ₱20 per kilo ay nakadepende sa merkado kahit pa makamit ng bansa ang 95% rice self-sufficiency.

Binanggit naman ni DA undersecretary Mercedita Sombilla, na posibleng mahirapan sa pagkamit ng ₱20 per kilo ng bigas.

Tiniyak naman ng DA, na walang kakapusan ng suplay ng bigas sa bansa bagama’t aminado ito na manipis ngayon ang stock ng bigas at ang tumataas na presyo nito ay hindi nila kayang kontrolin.

Para sa taong 2024 ay ₱181-billion ang pondo inilaan sa Agriculture Department.

Facebook Comments