Friday, February 13, 2026

Pagbagsak ng sugar industry, pinaiimbestigahan sa Senado

Pinasisiyasat ni Senator Risa Hontiveros ang pagbagsak ng sugar industry ng bansa at pinarerepaso ang mga batas na inaasahang magpapalakas sana sa nasabing sektor.

Tinukoy ni Hontiveros na sa kabila ng Sugar Regulatory Administration (SRA) charter at Sugar Industry Development Act (SIDA), patuloy ang pagbagsak ng local sugar industry sa paglipas ng panahon dahil sa pagbaba ng produksyon, mataas na production cost at hindi epektibong milling operations.

Nakasaad sa Senate Resolution 298 na nananatiling huli ang mga local producers ng asukal sa bansa sa mga kakompitensya na Brazil, Thailand at Colombia at kahit pa tumaas ang local production noong 2025, 87 percent lang ang natugunan nito sa local demand.

Ayon pa sa senadora, patuloy ding namomoblema ang mga magsasaka sa tumataas na halaga pero mababang productivity at pagkalugi habang ang mga consumers ay nagdurusa pa rin sa mataas na presyo ng asukal sa kabila ng mataas na imports at pagbaba ng global prices.

Ang sugar industry ay sumusuporta sa 700,000 manggagawa at anim na milyong kabuhayan sa bansa.

Facebook Comments