Naitala ang ilang insidente ng pagkalunod at near-drowning sa mga lalawigan ng Pangasinan at La Union sa unang mga araw ng buwan Mayo.
Sa Villasis, Pangasinan, nasawi ang isang 18-anyos matapos umano itong malunod sa Agno River sa Brgy. Amamperez noong Mayo 1 habang naliligo kasama ang mga kaibigan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, napunta umano ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog at hindi na muling lumutang.
Matapos ang isinagawang search and retrieval operation, narekober ang biktima bandang alas-2:44 ng hapon noong Mayo 2.
Samantala, dalawang magkahiwalay na insidente ng near-drowning ang naitala sa La Union noong Mayo 2.
Sa Brgy. Samara, Aringay, agad na nirespondehan ng Coast Guard personnel ang isang 3-anyos na bata na natagpuang walang malay matapos mahulog sa isang palaisdaan malapit sa kanilang himpilan.
Matagumpay na naisagawa ang CPR sa bata bago ito isinugod sa ospital.
Sa bayan naman ng Agoo, isang off-duty na miyembro ng Philippine Coast Guard ang tumulong sa pagsagip sa isang batang nalunod sa Eco Park habang may swimming activity.
Agad ding isinagawa ang CPR sa biktima bago ito dinala sa ospital kung saan iniulat na naging maayos ang kondisyon nito.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa paglangoy at bantayang mabuti ang mga bata lalo na sa mga anyong tubig ngayong panahon ng tag-init. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










