Paglikha ng Traffic Crisis Inter-Agency Management Council, lusot na sa komite ng Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa House Committee on Transportation ang resolusyon na nagrerekomenda na bumuo ng Traffic Crisis Inter-Agency Management Council na siyang mangunguna sa pagbibigay solusyon sa matinding trapiko sa Metro Manila.

Sa ilalim ng House Resolution 353 na inihain ni Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento, pag-iisahin at i-ha-harmonize ang mga polisiya para masolusyunan ang problema sa matinding traffic sa Metro Manila sa itatatag na council.

Bubuuhin ito ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG), Metro Manila Development Authority (MMDA), LTFRB, LTO at PNP-Highway Patrol Group.


Naniniwala si MMDA General Manager Jojo Garcia na hindi na magsasapawan at magiging malinaw sa ilalim ng inter-agency council ang papel ng bawat ahensya.

Kinakailangan lang aniya na magkaroon ng pangil ang batas para maging organisado ang mga polisiya.

Sinabi ni Garcia na sa ngayon ay coordinated ang kilos ng mga ahensya dahil mayroong gabay o direktiba ni Pangulong Duterte sa Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng DILG.

Facebook Comments