
Isinusulong ng ilang senador na mapalakas pa ang Business Process Outsourcing (BPO) Industry sa bansa upang maiwasan na ang pagpasok ng ilan nating kababayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa Senate Bill 2235 na inihain ni Senator Lito Lapid, layunin nito na mapangalagaan ang karapatan at mabigyang proteksyon ang mga empleyado ng BPO.
Nakasaad sa panukala ang pagtiyak sa makataong pagtrato, sapat na benepisyo, pribilehiyo at maayos na working conditions sa BPO companies.
Mahigpit din na ipagbabawal ang “understaffing” o “overloading”, isusulong din ang “regularization” ng BPO workers, at patatatagin ang karapatan nila sa “self-organization”, paglahok sa “democratic exercises”, at iba pa.
Oras na maging ganap na batas, ang mga lalabag na BPO company o indibidwal ay mahaharap sa multang ₱100,000 at pagkakakulong na hindi bababa sa dalawang taon depende sa hatol ng korte.