
Inirekomenda ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer na magpatupad ng mga hakbang para maprotektahan ang kanilang mga manggagawa sa matinding init ng panahon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, partikular na iminungkahi ni DOLE Bureau of Working Conditions (BWC) Director Alvin Curada ang pag-adjust ng oras ng trabaho lalo na ang mga manggagawang exposed sa direktang sikat ng araw tulad ng mga nasa construction industry.
Mas ligtas aniya kung ang oras ng trabaho mula alas-6 hanggang alas-11 ng umaga, at mag re-resume ng alas-2 hanggang alas-5 o alas-6 ng hapon.
Bukod dito, inirekomenda rin na magpatupad ng buddy system kung saan may katuwang ang bawat manggagawa para mabantayan ang kalagayan ng isa’t isa.
Iminumungkahi rin ang pagbibigay ng regular na break tuwing dalawa o tatlong oras para mabigyan ng pagkakataon ang katawan na makapagpahinga at makabawi mula sa matinding init.