Inirekomenda muli sa Kamara na i-rehistro na ang Subscriber Identity Module (SIM) cards partikular ng prepaid mobile phone users.
Sa kasalukuyan, tanging ang SIM cards ng mga postpaid mobile o cellular phone subscriptions ang inoobliga na magparehistro.
Para maobliga na i-register ang lahat ng gumagamit ng SIM cards, inihain sa Kamara ang House Bill 14 o ang SIM Card Registration Act.
Layunin ng panukala na masawata ang paggamit ng mga kawatan ng SIM card sa kanilang mga illegal at criminal activities.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat Public Telecommunications Entity (PTE) o authorized seller ay oobligahin ang ‘end user’ o iyong SIM card user na sagutan ang form na inisyu ng PTE kalakip ang pagpapakita ng valid identification card.
Ang mga SIM cards na naibenta o inisyu na bago pa maging epektibo ang batas ay oobligahin pa rin na i-rehistro.
Mahaharap naman sa mabigat na parusa ang mga lalabag sa oras na ito ay maisabatas kung saan ₱300,000 hanggang ₱1 million ang multa kapag PTE ang lumabag habang suspensyon sa operasyon at multang hanggang ₱50,000 kung ang violator ay isang authorized seller.