PAGPASOK NG MGA BIYAHERO NG BABOY SA POZORRUBIO, HIHIGPITAN MATAPOS MATAGPUAN ANG MGA PATAY NA BABOY SA DIKE NG BAYAN

Nakatakdang magpatupad ng pansamantalang paghihigpit ang lokal na pamahalaan ng Pozorrubio sa mga biyaherong nagdadala o nagbebenta ng baboy kasunod ng pagkakatagpo sa anim na patay na baboy at pinutol-putol na bahagi ng mga ito sa Barangay Malasin.

Ayon kay Pozorrubio Mayor Kelvin T. Chan, maglalabas ang lokal na pamahalaan ng Executive Order kaugnay ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok o pagbebenta ng baboy ng mga biyahero sa bayan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ang mga biyaherong kinakailangang dumaan lamang sa Pozorrubio ay kailangang makipag-ugnayan muna sa lokal na pamahalaan o kinauukulang awtoridad at sasailalim sa police escort upang matiyak na hindi sila magbababa o magbebenta ng baboy sa bayan.

Kasunod ito ng pagkakadiskubre sa anim na patay na baboy at mga pinutol-putol na bahagi nito sa isang bakanteng lote sa may dike malapit sa ilog sa Barangay Malasin.

Ayon kay Barangay Kagawad Francisco Quinto, isang barangay tanod ang unang nakakita sa mga patay na baboy matapos mapansin ang matindi at masangsang na amoy sa lugar.

Agad itong ipinaalam sa barangay kapitan. Sa koordinasyon sa lokal na pamahalaan, tinabunan ng lupa ang mga patay na baboy upang maibsan ang mabahong amoy.

Hindi pa natutukoy kung saan nagmula ang mga patay na baboy at kung sino ang nagtapon ng mga ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga kinauukulang awtoridad, habang nanawagan ang barangay sa publiko na agad ireport ang anumang kahina-hinalang pagtatapon o pagdadala ng mga patay na hayop sa kanilang lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments