
Pinapa-imbestigahan ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima sa Kamara ang napa-ulat na ginawang iligal na tambakan ng basura ang ancestral land ng mga Aeta sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales.
Sa inihaing House Resolution No. 1250 ay iginiit ni De Lima na isang napakalaking paglapastangan na gawing basurahan ang ninunong lupa ng mga katutubong Aeta.
Ayon kay De Lima, hindi excuse na sabihing pansamantala lang dapat ang operasyon ng dumpsite lalo na kung may mga katutubong naninirahan doon.
Diin ni De Lima, kawalan ng konsiderasyon at respeto sa ninunong lupa at lantarang pagbalewala sa kalusugan, kabuhayan at tahanan ng ating mga katutubo ang ginawang pagtatambak ng basura sa ninunong lupa sa Sitio Tibag.
Target ng isinusulong na imbestigasyon ni De Lima na matukoy kung sino ang dapat managot sa Tibag dumpsite, mailatag ang rehabilitation at closure plan nito at makapagbalangkas ng kailangang panukalang batas.










