
Inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. na nakakatakot ang pagbaba ng reserbang dolyar ng bansa.
Sa budget deliberation, tinanong ni Senator Imee Marcos kung hindi ba nakakatakot na nauubos na ang reserbang dolyar ng bansa, kung saan mula sa $113 billion ay bumaba sa $98 billion ang gross international reserves ng Pilipinas.
Gayunman, nanindigan si Remolona na bahagya pa ring ligtas ang $98 billion na dollar reserves dahil nananatili itong katumbas ng anim na buwang imports at tatlong beses na mas mataas kumpara sa short-term debt ng bansa.
Sa kabilang banda, iginiit ni Sen. Marcos na mas ligtas kung mapapanatili sa $104 billion ang reserbang dolyar ng pamahalaan.
Paliwanag ni Remolona, sa exports o pagluluwas ng mga produkto nanggagaling ang dolyar na pumapasok sa bansa, habang nagagastos naman ang reserbang dolyar sa imports kaya ito bumababa.
Patuloy ding nababahala ang mga mambabatas sa pagtaas ng inflation sa 7.8 percent noong nakaraang buwan mula sa 2.4 percent noong Pebrero. Napuna rin ang mabagal na paglago ng ekonomiya.










