PAGTULONG NG ISANG CONCERNED CITIZEN SA MAG-ANAK NA NA-STRANDED SA MATINDING ULAN, HINANGAAN ONLINE

Bumuhos ang papuri mula sa online community sa ipinakitang malasakit ng isang pribadong sasakyan matapos nilang tulungan ang isang tricycle sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

Sa uploaded na video, makikita ang isang tricycle na nakahinto sa gilid ng kalsada habang pumapara ng mga sasakyan sa kabila ng halos zero visibility dulot ng matinding ulan.

Sa halip na balewalain ang sitwasyon, huminto ang isang pribadong sasakyan upang alamin ang kalagayan ng stranded na tricycle.

Laking gulat nila nang makitang sakay ng tricycle ang kanyang mag-anak, ang kanyang misis, dalawang anak, kabilang ang isang sanggol na halos basang-basa na sa ulan. Agad nilang pinasakay ang mag-anak at nagboluntaryong ihatid ang mga ito sa kanilang tahanan kahit umabot pa sa halos isang oras ang biyahe.

Sa kabila ng sarili rin nilang pinagdaraanan dahil kagagaling lamang nila sa ospital upang ipagamot ang kanilang ama, hindi sila nagdalawang-isip na tumulong sa mga higit na nangangailangan. Dahil dito, mas lalong hinangaan ng netizens ang kanilang ipinakitang malasakit at kabutihang-loob.

Sa pamamagitan ng ganitong gawain, nawa’y magsilbi itong paalala na ang simpleng kabutihan at malasakit sa kapwa ay may malaking naidudulot, lalo na sa panahon ng pangangailangan at sa gitna ng masamang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments