PALASYO, NAG-UTOS NG PAG-IIMBESTIGA SA UMANO’Y MGA ILLEGAL FISH CAGE SA SUAL, PANGASINAN; PCG, SUMUPORTA SA PAGBABAKLAS

Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa mga umano’y ilegal na fish cage sa Calpay Shoal, malapit sa Cabalitian Island sa Sual, Pangasinan, kasunod ng reklamo ng mga lokal na mangingisda hinggil sa umano’y pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga pasilidad.

Ayon sa Palasyo, inatasan ang Department of Agriculture at BFAR na pabilisin ang imbestigasyon at tiniyak na kung mapatutunayang ilegal ang operasyon, dapat ipatanggal ang mga ito.

Kaugnay nito, nagbigay-suporta ang Philippine Coast Guard sa clearing operations ng lokal na pamahalaan ng Sual at BFAR laban sa mga hindi awtorisadong fish cage.

Kinumpirma ng PCG, ang pagbabaklas at pag-aalis ng mga fish cage na nakahadlang sa nabigasyon at nasa labas ng itinakdang Sual Mariculture Zone.

Matatandaang 132 ilegal na aquaculture units ang natukoy ng mga awtoridad noong Setyembre. Kabilang sa mga ipinag-utos na alisin ang 33 yunit, habang 99 naman ang dapat ilipat sa itinakdang mariculture zone.

Patuloy namang bineberipika ng PCG ang alegasyon sa pagmamay-ari ng mga dayuhan, sa tulong ng Bureau of Immigration at BFAR.

Samantala, pinaigting din ng Coast Guard ang pagpapatrolya sa karagatan ng Labrador, Pangasinan upang maiwasan ang mga paglabag sa batas pangisdaan at maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments