
Binigyang-diin ng Malacañang ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paghusayin ang serbisyo publiko sa sektor ng transportasyon, kasunod ng mga reklamo sa maruruming at masikip na LRT-1 Baclaran station.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, alinsunod sa utos ng pangulo, pinaalalahanan na ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez ang pamunuan ng Light Rail Management Corporation (LRMC) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na tiyaking maginhawa, maayos, at ligtas ang biyahe ng mga pasahero.
Tinugunan na aniya ng DOTr ang isyu matapos personal na inspeksiyunin ni Lopez ang Baclaran Station.
Hinihintay na lamang umano ng kalihim ang ulat ng LRTA kaugnay ng paliwanag ng LRMC kung bakit napabayaan ang kalinisan at kaayusan ng istasyon.
Inaasahang namang ipaaabot ang report sa pangulo para sa karampatang aksyon.









