Naglabas ng paalala ang Pangasinan PDRRMO sa publiko hinggil sa kahalagahan ng regular na pag-inom ng tubig kasabay ng sunod-sunod na naitalang mataas na heat index sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa ahensya, dahil sa matinding init ng panahon, tumataas ang panganib ng dehydration na maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan kung mapapabayaan.
Binigyang-diin ng PDRRMO na hindi dapat hintayin ang pagkauhaw bago uminom ng tubig. Ilan sa mga senyales ng dehydration na dapat bantayan ay ang tuyong bibig, labi, at dila, panghihina ng katawan, madalang na pag-ihi, pagkahilo, at pananakit ng ulo.
Dagdag pa rito, patuloy din nagbibigay paalala ang sektor ng kalusugan na huwag kalilimutan ang ang pag-inom ng tubig sa kabila ng abalang iskedyul, dahil maaaring magpalala ito sa kondisyon lalo na sa panahon ng matinding init.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na manatiling hydrated sa buong araw, umiwas sa direktang sikat ng araw sa mga oras ng matinding init, at magpahinga kung kinakailangan upang maiwasan rin ang iba pang heat-related illnesses. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








