Tuesday, April 14, 2026

Pagsalang ni PBBM sa drug test at paglalahad ng tunay na lagay ng kalusugan, pinetisyon ng isang grupo sa Korte Suprema

Kinumpirma ng Korte Suprema na natanggap na nila ang kopya ng petisyon na inihain ng isang grupong kinabibilangan ng mga retiradong sundalo kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Batay sa urgent petition for mandamus na inihain ng United People’s Initiative at nina ret. Gen. Romeo Poquiz, hinihiling nila na atasan si Pangulong Marcos Jr. na ilahad ang tunay na lagay ng kalusugan nito at maglabas ng regular, akma at napapanahong medical bulletins.

Bukod dito, nais din nilang sumailalim sa hair follicle drug test si PBBM at isapubliko ang resulta pagkatapos.

Ayon sa petitioners, bilang pinakamataas na opisyal sa bansa ay tungkulin ng pangulo na ipaalam sa taumbayan sakaling mayroon siyang seryosong karamdaman.

Binanggit din nila ang pagdalo ni PBBM sa paggunita sa Araw ng Kagitingan noong April 9 kung saan nababahala raw sila nang makita na posibleng may iniinda itong sakit.

Una nang pinabulaanan kahapon ni Pangulong Marcos Jr. na mayroon siyang malubhang karamdaman at nagawa pang mag jogging at jumping jack sa loob ng Malacañang.

Facebook Comments