Posibleng muling tumaas ang presyo ng karne sa Lingayen at Dagupan City sa mga susunod na buwan dahil sa nararanasang tag-init, ayon sa mga manlalako.
Karaniwan na umanong tumataas ang presyo ng karne tuwing Abril, Mayo at Hunyo dahil sa epekto ng mainit na panahon sa suplay at produksyon.
Sa kasalukuyan, nasa ₱380 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy, ₱450 kada kilo naman ang karne ng baka at ₱200 ang presyo ng buong manok.
Samantala, batay sa pahayag ng IFM News Dagupan sa isang market inspector sa Lingayen Public Market, bahagya umanong tumaas ang presyo ng liveweight ng baboy mula ₱220 ay nasa ₱235 na ngayon kada kilo na itinuturing na dahilan ng pagtaas ng bentahan nito sa merkado.
Dagdag pa ng ilang manlalako, malaki din umanong dahilan ang pagtaas ng presyo ng langis, partikular sa gastos sa transportasyon at iba pang operasyon.
Sa ngayon, bahagya umanong naging stable ang presyo ng karne kasunod ng ipinatupad na rollback sa produktong petrolyo ngayong linggo.
Batay sa ulat, umabot sa mahigit ₱20 kada litro ang ibinaba sa diesel, ₱4.43 kada litro sa gasolina, at ₱8.50 kada litro sa kerosene.
Sa kabila nito, nananatiling mahigpit ang inspeksyon ng mga market inspector sa mga naturang pamilihan upang maiwasan ang overpricing at matiyak ang sapat na suplay ng mga produktong karne. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








