Inaprubahan na ng House Committee on Agriculture and Food ang substitute bill para sa panukalang Philippine Salt Industry Development Act.
Tiwala si Kabayan Party-list Rep. Ron Salo, Chairperson ng technical working group na bumalangkas ng substitute bill, na daan ito para sa pag-unlad at modernisasyon ng industriya ng asin sa bansa.
Nakapaloob sa panukala ang pagtatag ng Philippine Salt Industry Development Roadmap and the Philippine Salt Industry Development Council na isang inter-agency body na titiyak na maipapatupad ng lubos ang panukala.
Iniaatas ng panukala na gagamitin ang developmental approach sa halip na regulatory lamang ang pamamahala sa salt industry.
Kasama rin ang panukala ang pagtukoy sa asin bilang isang agricultural product upang mapasailalim ito sa Department of Agriculture (DA) sa halip na ituring na mineral at nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).