
Naihan na sa Office of the Ombudsman ang supplemental affidavit ni Ramil Madriaga, ang nagpakilalang dating aide at bagman ni Vice Pres. Sara Duterte.
Kinumpirma ni Atty. Raymund Palad, ang legal counsel ng Madriaga, na naisumite na nila sa Ombudsman ngayong Biyernes ang naturang supplemental affidavit, kung saan marami ang mga isiniwalat ni Madriaga.
Ang hakbang ay kaugnay na rin ng anunsyo ng Ombudsman na may show cause order laban kay Assistant Special Prosecutor Atty. Ryan Quilala.
Nauna rito na binasa ni Madriaga ang kanyang supplemental affidavit sa impeachment proceedings ng House Committee on Justice laban kay VP Duterte.
Isiniwalat ni Madriaga ang ugnayan ni Atty. Quilala sa bise presidente at ang umano’y delivery ng milyong-milyong halaga ng pera sa naturang abogado at dating Ombudsman Samuel Martires.
Nabanggit naman kahapon ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na plano ng kanilang tanggapan na ipatawag si Madriaga, upang suriin ang kanyang kredibilidad.
Samantala, ibinahagi ni Atty. Palad ang isang sulat ni Madriaga kung saan nakasaad na kumakasa siya sa hamong “suntukan” ni Davao City Mayor Baste Duterte, kung bibisita ang alkalde sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan naka-detine si Madriaga.
Una nang hinamon ni Mayor Baste ng suntukan si Madriaga matapos siyang tawagin na “bading” sa kanyang supplemental affidavit.
Pero ayon kay Madriaga, hindi siya kundi si dating Pang. Rodrigo Duterte ang nagsabing “bading” si Mayor Baste.










