
Aminado si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engr. Henry Alcantara na naghatid siya ng humigit kumulang na P1.8 billion kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kaugnay ng implementasyon ng ilang infrastructure projects.
Sa kaniyang pagharap kanina sa Sandiganbayan, nilinaw ni Alcantara na ang mga kickback ay walang kaugnayan sa nabunyag na mga proyekto na naiiugnay sa malawakang anomalya sa flood control projects dahil hindi bahagi si Bernardo ng pagpapatupad ng mga ito.
Tinukoy naman ni Alcantara si dating Senador Ramon “Bong” Revilla na siyang project proponent base umano sa verbal instruction ni Bernardo.
Ang komunikasyon umano nila ni Bernardo ay sa pamamagitan ng messaging app na Viber .
Pero, naitapon na umano niya ang kaniyang cellphone nang pumutok ang kontrobersya.
Nauna nang itinanggi ni Revilla ang alegasyong tumanggap siya ng kickbacks mula sa mga flood control project.
Nakatakdang inspeksyunin ng Sandiganbayan ang Pandi ‘ghost’ flood project na iniuugnay sa dating senador.










