Saturday, April 18, 2026

Panukalang agarang tulong at pagtugon sa krisis sa langis, agad na pinaaaprubahan ng isang senador

Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go ang agad na pagpapasa sa isinusulong na panukalang Fuel Crisis Immediate Relief and Response Bill na layong matiyak na makatutugon agad ang pamahalaan sakaling tumindi ang krisis at pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Sa ilalim ng Senate Bill 2033, layon na magbigay ng targeted relief measures para makagaan sa mga gastusin ng mga manggagawa at mga pamilya sa pamamagitan ng pansamantalang suspensyon sa mandatory contributions tulad sa Social Security System (SSS) at PhilHealth at bayarin sa mga utilities tulad ng kuryente at tubig.

Umapela ang mambabatas na mas makakatulong din sa ating mga kababayan kung hindi na muna tataasan ang bayarin sa kontribusyon ng mga myembro.

Paliwanag ni Go, ang pansamantalang pagpapaliban sa mga bayarin ay makapagbibigay ng kaluwagan sa mga Pilipinong ang kita ay pilit na pinagkakasya dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Tiniyak din ng senador na ang Senado ay handang magpasa ng panukala para sa dagdag na authority sa pangulo gaya ng Bayanihan 1 at 2 noong pandemya lalo na kung kakailanganin ng mas malawak na relief measures.

Facebook Comments