
Nananawagan si Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan sa Kongreso na agad isabatas ang panukalang magpapababa sa bayarin na ipinapataw sa remittances ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Nakapaloob ito sa House Bill 8615 o panukalang OFWs Remittance Protection Act na mag-aatas sa Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Migrant Workers (DMW) na protektahan ang OFW remittances laban sa hindi makatwirang fees at charges.
Marso ngayong taon nang ipasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang version nito ng OFWs Remittance Protection Bill.
Tinukoy ni Yamsuan na batay sa latest report ng World Bank ay umaabot sa 6.36% hanggang 14.99% ang ipinapataw na bayarin sa kada 200 dollars na remmittance.
Bunsod nito ay binigyang-diin ni Yamsuan na malaking bagay ang matitipid ng ating mga OFWs mula sa pagbabayad nang mataas na remittance fees, at iba pang hidden charges, dahil ito ay maidadagdag sa pinapadala sa kanilang mga pamilya.










