
Dapat ipagmalaki ng Pilipinas ang malaking progreso sa negosasyon para sa South China Sea Code of Conduct o COC, sa kabila ng hindi pagkumpleto nito sa ilalim ng ASEAN chairmanship ng bansa.
Ayon kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz, mas mahalagang makabuo ng matibay at legally binding na kasunduan kaysa madaliin ang pagpapatibay ng dokumentong hindi sapat ang bigat.
Bagama’t hindi pa matukoy kung kailan ito ganap na matatapos, patuloy pa rin aniya ang negosasyon at umaasa ang Pilipinas na may karagdagang progreso sa mga susunod na talakayan.
Mananatili rin sa ASEAN framework ang negosasyon sa COC, kahit magkaroon ng pagkakataong mag-usap sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa APEC Summit sa Shenzhen.
Kung hindi man ito matapos ngayong taon, magpapatuloy ang negosasyon sa ilalim ng susunod na ASEAN chairmanship ng Singapore.










