Isinusulong sa Senado ang panukalang pagtanggal sa dagdag na singil ng mga tindahan at negosyo sa mga customer nilang magbabayad gamit ang credit card imbis na cash.
Sa inihaing Senate Bill 296 ni Senator Francis “Chiz” Escudero, magmumulta ang mga establisiyimento na nagpapatawag ng dagdag na charge sa mga customer nilang gumagamit ng credit upang magbayad ng produkto o serbisyo.
Ayon kay Escudero, ito ay upang protektahan ang mamamayan laban sa mga hindi patas na gawain ng mga mapagsamantalang negosyo.
Dagdag pa ng mambabatas, sa pamamagitan nito ay mas magiging panatag ang mga consumer sa kanilang sa transaksyon dahilan para lumakas ang paggasta nito na siyang pangunahing nagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa.
Bagama’t batid ng mambabatas na karapatan ng mga malalaking negosyo na magsagawa ng mga karampatang aksyon upang masigurong kumikita sila ay hindi dapat ibunton sa mga konsyumer ang pasanin ng mga negosyo.
Sakaling maging batas ay magmumulta ng P20,000 hanggang P100,000 ang lalabag nito at makukulong ng hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi lalagpas ng isang taon.