
Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian na akuin na ng pamahalaan ang lifeline subsidy sa singil sa kuryente, sa halip na ipasa sa ibang consumer groups ang bahagi ng subsidiya.
Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, binigyang-diin ni Gatchalian na lumiliit na ang bilang ng benepisyaryo ng lifeline subsidy. Mula sa humigit-kumulang 4 milyong 4Ps households, bumaba na lamang sa nasa 135,000 ang aktwal na nakaka-avail nito.
Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), hindi lahat ng 4Ps beneficiaries ay nakikinabang sa programa dahil sa mga kondisyon tulad ng kawalan ng aktwal na koneksyon sa distribution utilities o kakulangan sa dokumentaryong kinakailangan.
Dahil dito, tinukoy ni Gatchalian na bumaba na rin ang kabuuang gastos para sa subsidy, na tinatayang nasa ₱8 milyon kada buwan o humigit-kumulang ₱80 milyon kada taon.
Giit ng senador, mas makatuwiran na ang naturang halaga ay akuin ng gobyerno sa halip na ipasa pa sa ibang consumers, lalo na’t maliit na lamang ito kumpara sa kabuuang sistema ng power pricing.










