Thursday, April 23, 2026

Presscon ng legal team ni VP Duterte, tinawag na ampaw ng isang lider ng Kamara

Mahaba, maingay at napaka-ampaw ng isinagawang press conference ng legal team ni Vice President Sara Duterte ayon kay House Deputy Speaker at La Union Representative Paolo Ortega V.

Diin ni Ortega, hindi naman direktang nasagot ng mga abogado ni VP Duterte ang mabibigat na isyung lumabas sa impeachment proceedings ng House Committee on Justice patungkol sa statement of assets, liabilities, and net worth (SALN) at mga bank transactions ni VP Sara.

Ayon kay Ortega, ang hinihintay ng publiko ay malinaw na paliwanag sa mga kwestyunable at kahina-hinalang transaksyon sa mga bank accounts ni VP Duterte na lumitaw sa impeachment hearing kung saan nakapakalaking halaga ng salapi ang sangkot.

Ipinunto ni Ortega na pawang patungkol lang sa proseso ang pinagtutuunan ng legal team ni VP Duterte pero hindi nila masagot ang mga nabunyag sa impeachment hearing na nagpapakita ng posibleng pagkakaugnay ng mga bank accounts at yaman ni VP Sara sa ilegal o iregular na mga aktibidad.

Facebook Comments