Wednesday, April 29, 2026

Mga suspek sa pagpatay kay pro-billiard boss at businessman Perry Mariano, tukoy na ng QCPD

Natukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakakilanlan ng riding-in-tandem na suspek sa pagpatay sa dating pangulo ng Association of Club, Karaoke, Disco Owners and Operators (ACKDO) at kanyang driver sa Quezon City kahapon, sa tulong ng mga CCTV footage na nakalap ng mga awtoridad.

Batay sa imbestigasyon ng QCPD, nakita pang nag-ikot-ikot sa Scout area ang dalawang suspek at iniwan sa kalsada ang unang motorsiklong ginamit sa krimen.

Kapwa nasawi ang mga biktima na kinilalang sina Ceferino “Perry” Mariano, 75 anyos, kilalang businessman sa Quezon City, at Norberto Orimaco, 51 anyos.

Lumalabas din sa imbestigasyon na nagpalit pa umano ng damit ang mga suspek sa kalsada at naglakad sa Scout Rallos, malapit sa Scout Ybardolaza, bago sumakay sa isang tricycle sa Scout Borromeo.

Sa ngayon, bumuo na ang QCPD ng Special Investigation Task Group na pamumunuan ni District Director PBGen. Randy Glenn Silvio.

Kilala si Mariano sa industriya ng nightlife at tinaguriang “Pinoy Bugsy” dahil sa kanyang papel sa pagtuklas at paghubog ng mga bagong talento sa larangan ng billiards.

Patuloy pang inaalam ng QCPD ang motibo sa pamamaril na naganap sa gitna ng araw sa Quezon City.

Facebook Comments