Wednesday, April 29, 2026

Korte Suprema, binigyang linaw ang “forthwith” sa impeachment proceedings; petisyon para atasan ang Senado na agad isalang ang impeachment case ni VPSD noong nakaraang taon, ibinasura

“Depende sa sitwasyon pero sa loob ng makatwirang panahon.”

Ito ang paglilinaw ng Korte Suprema sa isyu ng “forthwith” na nakasaad sa Saligang Batas kaugnay sa impeachment cases.

Sinabi ito ng Supreme Court matapos ibasura ang petition for mandamus na inihain ni Catalino Aldea Generillo Jr. na layong atasan ang Senado na agad mag-convene bilang impeachment court at dinggin na ang kaso ni Vice President Sara Duterte.

Pero ayon sa SC, hindi pwedeng pakialaman ng hudikatura ang mga aksyon ng Senado maliban na lamang kung may malinaw na grave abuse of discretion.

Binigyang-diin naman ng Korte Suprema na bagama’t may kalayaan ang Senado sa pagtakda ng oras ay dapat pa ring hindi maantala para mapanatili ang prinsipyo ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.

Sa petisyong inihain kaugnay sa VP Sara impeachment, sinabi ng SC na kumilos ang Senado sa loob ng makatwirang panahon.

Samantala, idineklara din na moot na ang petisyon nang simulan ng Senado ang paghahanda sa impeachment trial at nang mapawalang-bisa ang Articles of Impeachment laban kay Duterte sa mga naunang desisyon ng Supreme Court.

Facebook Comments