Saturday, June 20, 2026

PBBM, bukas na mag-angkat ng mas malaking suplay ng langis mula Russia

Bukas ang Pilipinas na palawakin ang pag-angkat ng petroleum products mula sa Russia bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na palawakin ang pinagkukunan ng enerhiya ng bansa.

Ito ang isa sa mga natalakay sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin sa Kazan.

Ayon kay Pangulong Marcos, wala pang pinal na kasunduan, ngunit nagpahayag ang Russia ng kahandaang palawakin ang kooperasyon nito sa Pilipinas sa sektor ng enerhiya.

Ipinaliwanag ng Pangulo na nagsimulang kumuha ang bansa ng petroleum products mula sa Russia nang magkaroon ng pagkagambala sa pandaigdigang suplay dahil sa krisis sa Middle East.

Aniya, pansamantala lamang noon ang pag-angkat at walang pangmatagalang kaayusan para rito.

Dahil dito, pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng mas maayos at pangmatagalang sistema ng pagkuha ng suplay mula sa Russia upang magkaroon ng dagdag na mapagkukunan ng langis ang bansa.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na kailangan pa ring isaalang-alang ang mga geopolitical considerations bago maisakatuparan ang anumang pangmatagalang kasunduan.

Facebook Comments