Saturday, June 20, 2026

𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗬𝗔𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗞𝗢𝗡𝗧𝗥𝗢𝗟, 𝗦𝗨𝗠𝗘𝗠𝗣𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗔𝗟𝗜𝗖𝗜𝗔, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔; 𝟮 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡

CAUAYAN CITY – Dalawang katao ang nasugatan matapos mawalan ng kontrol at mahulog sa isang palayan ang isang kotse sa kahabaan ng By-pass Road sa San Fernando, Alicia, Isabela noong Hunyo 19.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, binabagtas ng sasakyan ang northbound lane nang mawalan ng kontrol ang drayber habang papalapit sa kurbadang bahagi ng kalsada. Dahil dito, tuloy-tuloy itong lumihis sa kanang bahagi ng daan at nahulog sa kalapit na palayan.

Nagtamo ng minor injuries ang drayber na kinilalang si alyas “Corazon,” 39 anyos, isang OFW at residente ng Villa Sanchez, San Guillermo, Isabela. Sugatan din ang isa sa anim nitong pasahero na kinilalang si alyas “Vina.”

Agad silang isinugod ng mga rescue personnel ng Alicia sa pagamutan para sa kaukulang medikal na atensyon.

Patuloy namang paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga kurbadang bahagi ng kalsada upang maiwasan ang kaparehong aksidente.

Facebook Comments