Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na nakapagtala na ng Php 16.2 milyong pinsala sa agrikultura sa SOCCSKSARGEN at Caraga Region pa lamang dulot ng hagupit ng Bagyong Dante.
Batay sa mga initial report na natatanggap ng DA mula sa iba’t-ibang regional offices, 505 metriko toneladang produksyon ng palay, mais at high value crops ang nasira sa South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos maging sa Caraga Region ang mga lugar na nakaranas ng pagbayo ng Bagyong Dante.
Sa pagtaya ng DA, halos 780 ektarya ng lupang sakahan ang naapektuhan sa nabanggit na mga lugar.
Sa ngayon ay hinihintay pa ng ahensya ang iba pang report mula sa iba pang rehiyon na dinaanan ng Bagyong Dante.
Ang Bagyong Dante ay inaasahang hihina at magiging tropical depression na lamang sa araw ng Biyernes habang patuloy na kumikilos pa-Hilagang-Kanluran palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).