Muling tiniyak ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang counterparts sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangakong pagpapaigting ng kanilang suporta at kooperasyon.
Ang pahayag ay ginawa ni PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., kasabay nang pagdiriwang ng ika-87 anibersaryo ng AFP ngayong araw.
Ayon kay Azurin, nasubukan na ang pagkakaisa sa pagitan ng AFP at PNP sa pag-abot ng mga adhikain ng pamahalaan partikular na sa laban kontra terorismo at pagsugpo sa insurhensya sa bansa.
Patunay aniya rito ang pagresponde ng pulisya matapos na pasabugan ng landmine ng CPP-NPA ang Barangay Water System Project sa ilalim ng Barangay Development Program 2022 sa Brgy. Quirino, Las Navas, Northern Samar kahapon ng umaga kung saan limang sundalo ang nasugatan.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Azurin ang pagkasa ng hot pursuit operations para mapanagot ang mga nasa likod ng pananambang sa tropa ng militar.